Hindi “Bulag” ang Manunulat: Panayam kay Alvin B. Yapan

by ayerarguelles

Si Alvin B. Yapan ay kuwentista at filmmaker. Ang kanyang mga kuwento ay nagwagi na sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (1997, 2002, 2003) at National Commission for Culture and the Arts (2005). Ang una niyang koleksiyon ng kuwento, ang At Nabulag ang Tagapagsalaysay ay kabilang sa Ubod New Authors Series at ang kanyang nobelang Ang Sandali ng mga Mata ay nagkamit ng National Book Award for Best Novel noong 2006. Naging fellow siya sa ika-26, -33, at -48 UP National Writers Workshop. Bilang filmmaker, ang kanyang short film, Rolyo, ay nagwagi ng best short film sa Cinemalaya at Urian Awards noong 2007. Co-director naman siya ng Huling Pasada (kasama si Paul Sta. Ana) na nagkamit ng Best Cinematography sa Cinemalaya 2008. Ang una niyang full length film na Ang Panggagahasa kay Fe ay nagwagi ng Special Jury Award sa Cinemalaya 2009 at Feature Film Gold Award sa 33rd Cairo International Film Festival (2009). Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Manila habang tinatapos ang kanyang doktorado sa Unibersidad ng Pilipinas.

Dalawang bahagi ang aking panayam sa email sa kanya. Ang una ay noong ika-9 at 10, at ang ikalawa ay noong ika-11 at 18 ng Pebrero 2010.

Nabanggit mong 1996 nang maisulat mo ang “Nang Gabing Mamatay ang Nana Soling.” Ito ba ang unang kuwento mo? Kung hindi, ano ang iyong unang kuwento, paano mo ito nasulat, at siguro pakikuwento na rin ng iyong pagsisimula bilang manunulat ng katha.

Hindi nga ito ang una kong kuwento. Sa pagkakatanda ko, ito ang ikatlong kuwentong naisulat ko nang buo. Siyempre marami pang ibang fragments lang. Una kong kuwento tungkol sa Birhen ng Penafrancia, tungkol sa fluvial procession, tungkol sa isang nanay na ilulubog ang kanyang may sakit na anak sa naga river sa pagdaan ng prusisyon. Mamamatay ang anak at magdududa siya sa kanyang pamamanata sa birhen. Naisulat dahil sa gusto kong magpasa noon sa Heights. Kaya nagsimula lang talaga lahat sa pagkakasali ko sa Heights. Kilala mo naman iyong Heights, so hindi ko na ipapaliwanag.

Kaugnay ng iyong pagsisimula bilang manunulat, naging kabilang ka ng marami ring pambansang palihan, ano ang naitulong sa iyo ng mga palihang ito, kung mayroon man? Ano ang halaga para sa iyo ng mga palihan—pambansa at maging iyong mga sa loob lamang ng silid-aralan o pamantasan? Maimumungkahi mo ba, halimbawa, na pagdaanan ito ng mga batang manunulat?

Oo naman, maimumungkahi ko talaga ang mga pambansang palihan para sa mga batang manunulat. Sa ganitong paraan, madali niyang makikita kung ano na ang nangyayari sa paligid niya. Ano ang interes ng mga kapwa niya manunulat. Higit sa lahat, sa mga palihan kasing ganito makikita niya na kabilang siya sa isang mas malawak na komunidad ng mga manunulat. Para sa akin napakahalaga nito para sa isang manunulat, lalo na dito sa ating bansa na hindi ganoon kataas ang pagpapahalaga para sa pagsusulat. Kailangan mo ng suporta ng mga kapwa manunulat na tama nga ang ginagawa mo, kung hindi man iyong simpleng kaalaman na may komunidad.

Mayroon ka bang nakikitang maaaring higit na epektibong sistema ng mga palihan, higit na makatutulong o makagagabay sa mga manunulat na makakabilang sa palihan, kaysa mga umiiral nang sistema at kalakaran sa mga palihan ngayon?

Higit na epektibong sistema? Parating may mas magiging epektibong sistema, hindi nga lang ako makaisip sa ngayon. Sasabihin ko sana na isang palihan na ispesipiko para sa kuwento, o tula o nobela. Pero kung gagawin kasi iyon, mawawalan naman ng pagkakataon ang manunulat na makilala ang ibang manunulat sa ibang larangan o anyo. Liliit lamang ang komunidad ng manunulat ispesipiko sa anyong gagalawan niya. Gawin pa sigurong mas malalim na lang ang talakayan sa namamayani ngayong sistema ng palihan. Kung minsan kasi nagiging impresyunistiko lamang ang mga komento ng panel, nakabatay lamang sa kanilang mga personal na panlasa. Higit na kritikal sigurong palihan.

Bukod sa komunidad na naipakikita at naipadaranas ng mga palihan at komunidad sa akademya, mayroon ka bang naiisip na “ideyal” na komunidad? Ano, halimbawa, ang tingin mo sa iba’t ibang “grupo” ng manunulat?

Wala akong nakikitang “ideyal” na komunidad na isinusulong ko. Ang komunidad na tinutukoy ko ay ang pangkalahatang kamalayan na may manunulat ding katulad mo sa paligid na maaari mong makausap o makatalastasan sa mga pareho mong interes at hinaing. Bawat lipunan naman lumilikha ng sarili niyang komunidad. Ganitong komunidad ang tinutukoy ko. Tungkol sa pagiging partisano ngayon ng ilang manunulat, siyempre hindi ako sang-ayon doon lalo na kung nahahaluan na ng politika at nagkakaroon na sila ng kapangyarihan na maging diktador o magtakda ng direksiyon ng panitikan sa bansa, sa ikapipipi naman ng boses ng ibang manunulat. Ang mga ganoong pangkat ay kinakailangang parating tuligsain, kalabanin, at hadlangan.

Paano ka nagsisimulang magsulat ng kuwento? Gaano katagal karaniwan bago mo matapos ang isang kuwento? Ano ang mga gawi mo habang nagsusulat? Malaking bahagi ba ng pagsusulat mo ang rebisyon? Paano ka magrebisa? Kailan mo nasasabing “tapos” na ang iyong kuwento?

Walang iisang ritwal, kung may ritwal man, kung paano ako nagsisimulang magkuwento. Paiba-iba depende sa materyal. Pero habang tumatagal napapansin ko na simple na lang ang lahat. Naaalis ko na ang lahat ng pamahiin na kadalasang naikakabit sa mga ritwal bago magsulat. Ngayon higit nang isang disiplina ang pagsulat sa akin. Kung may ideya, isulat sa kuwaderno o sa papel para hindi makalimutan. Tapos hintayin na mahinog ang ideya, huwag kaagad magsusulat. Tapos kapag sa palagay ko sapat nang pagmumuni ang nailaan ko sa paghahanda sa pagsulat, mauupo tapos magsusulat. Ganoon lang. Tungkol sa rebisyon: gayong napakahabang panahon kadalasan ang inilalaan ko sa pag-iinin ng mga ideya, kadalasan kapag naisulat ko na kaunti na lang ang rebisyon. Kung minsan nga wala na. Kasi napapansin ko kapag hindi madulas ang pagkakasulat ng buong kuwento sa iisang upuan, malamang hindi pa talaga buo ang ideya at kailangan na munang pag-isipan pa. Sa ganitong paraan ko nasasabi na tapos ko na ang kuwento. Siyempre sa pagsusulat ng nobela iba, dahil mas mahaba iyon. Hindi makakayang matapos sa iisang upuan. Sa ganoong pagkakataon, bawat kabanata, isang upuan ang ginagawa ko.

Paano mo natutukoy o nasasabi kung ang iyong materyal ay pang-maikling kuwento o pang-nobela? Iyong nabanggit mong unang kuwento mo halimbawa, iyong tungkol sa fluvial procession at may nanay na naglubog ng may sakit niyang anak sa Ilog Naga pagdaan ng prusisyon, may halos kaparehong bahagi iyon sa Ang Sandali ng mga Mata. May mga pagkakataon bang pinaghahalo mo o inilalangkap halimbawa iyong maiikling kuwento mo sa isang nobela, o may nobela ka naman kaya halimbawa na hini-hiwalay mo bilang mga indibidwal na maikling kuwento?

Kung pang-kuwento o nobela, depende sa materyal. May mga materyal lang talagang higit na epektibong matatalakay sa kaiklian ng maikling kuwento o sa kahabaan ng nobela. Nasa materyal iyon, kaya wala talagang tiyak na sagot kung paano ko nalalaman. Iyong sa fluvial procession na nasa nobela ko, oo nanggaling iyan doon sa unang maikling kuwentong naisulat ko. Pero ipinasok ko nga sa nobela ko dahil hindi ako masiyahan sa naging ayos nito sa loob ng maikling kuwento. Pangit na pangit ako sa naisulat kong maikling kuwentong iyon, na kahit anong rebisyong gawin ko ay hindi na gumanda-ganda. Pero nang ipasok ko sa nobela bilang isang kabanata nito, sa palagay ko napaamo ko na ang materyal kaya nasiyahan na ako. Magandang halimbawa ito ng sinabi kong depende sa materyal kung pang-kuwento o pang-nobela. Dahil siguro nagsisimula pa lang ako noon hindi pa ganoon katalas ang pandama ko bilang manunulat para matiyak kung pang-kuwento nga o nobela ang materyal.

Bukod sa haba, anu-ano pa ang naiengkuwentro mong mga suliranin o kahirapan sa pagsulat ng nobela kompara sa maikling kuwento?

Sabi raw kasi sa loob ng nobela dapat may higit na matalas kang kabatiran tungkol sa pagkatao ng tao kaysa maikling kuwento, na higit na pinoproblema ang quotidian. Kung kaya, higit na masasabing pilosopiya ang nobela kaysa kuwento. Sa ganitong pamamaraan nagiging mabigat para sa akin ang pagsulat ng nobela.

Ano ang pananaw mo hinggil sa kritisismo sa panulat, partikular sa katha? Paano mo tinutugunan halimbawa (bagama’t naipaliwanag mo na ito sa palihan sa UP) kapag inuuri ang mga akda mo bilang magic realist o sa iba pang panunuri? Saka mayroon bang masasabing masugid o matalisik na kritisismo sa katha sa kasalukuyan sa Pilipinas (maliban sa panaka-nakang bangayan sa “specfic”)?

Kailangang-kailangan para sa akin ang kritisismo sa pagsusulat. Lalo na kung pagpapasyahan mo nang ito na talaga ang paglalaanan mo ng espesyalisasyon mo sa pagsusulat. Sa Pilipinas ngayon, wala akong nakikitang masugid o matalisik na kritisismo sa katha. Nakakalungkot mang sabihin. Kaya sa kaso ko, gumagawa ako ng sarili kong kritisismo na siyang ginagamit kong paninindigan kapag nagsusulat na ako ng maikling kuwento. Problema nga lang hindi ko naman naisusulat sa mga pormal na papel ang aking mga haka-haka tungkol sa katha. Siguro kapag natapos ko na ang doktorado ko at mas may panahon na. Iyon kasi ang problema sa Pilipinas, ikaw na nga ang creative writer, ikaw pa ang critic.

Maaari ka bang magbigay ng ilang halimbawa nitong iyong mga sariling kritisismo na ginagamit mong batayan sa pagsulat ng kuwento kahit pabuod lamang?

Parati kong gustong bumalik sa estetika ng katutubong panitikan, ng kuwentong bayan, mito, alamat at epiko sa pagsusulat ko ng maikling kuwento. Para sa akin, kailangang dukalin ng manunulat sa Pilipinas ang ganitong pinag-uugatan niyang tradisyon. Kung maghahanap man akong “bagong pamamaraan” ng pagkukuwento, magmumula ito sa estetika ng katutubong panitikan.

Mapunta tayo sa una mong koleksiyon, ang At Nabulag ang Tagapagsalaysay, ano ang mga naging pamantayan mo sa pagbuo ng koleksiyon? Paano mo pinili ang limang kuwentong kabilang dito?

Simple lang ang naging pamantayan. Ito iyong mga naging unang maikling kuwento ko. Wala dito sa koleksiyon na ito ang mga kuwento kong makababalaghan. Gusto kong ipunin iyon para sa libro talaga ng maikling kuwento. Pero maganda na nailathala ko rito sa unang koleksiyon na hindi ako nagsimula sa mga makababalaghang kuwento. Pero makikita na rito ang mga tendensiya ko bilang kuwentista kaya nauwi ako sa makababalaghan.

May naihanda ka na bang libro nito ngang maiikling kuwento mo na makababalaghan?

Oo, pero gusto ko pang dagdagan. Saka ilalabas ko na muna iyong ikalawa kong nobela, Sambahin ang Katawan ang pamagat, bago ilabas ang koleksiyon ng maiikling kuwento ko. O baka nga hindi pa roon. Baka nga maglabas pa muna ako ng ikatlong nobela. Hindi ko alam. Mas matagalan kasing paghihintay sa akin ang pagbuo ng antolohiya ng maikling kuwento kasi gusto ko kakatawanin nito ang iba’t ibang pagbabago ng aking pagsulat sa buong kasaysayan ko bilang manunulat. E bata pa lang naman ako para makapagsabi nang may isang kasaysayan.

Ano para sa iyo itong “balaghan” o “kababalaghan” sa iyong mga kuwento? Alam kong parang tila ayaw mo itong ituring na kabilang sa sumikat na “magic realism,” tama ba?

Pangdisertasyon na ang sagot ko sa tanong na ito. Ang punto ko lang, kailangan pa ring iiba ang kababalaghan sa magic realism gayong may ibang kasaysayan ding pinagdaanan ang kamalayan ng Pilipinas. Kung anuman ang pagkakaiba, malaliman pang pag-aaral ang kinakailangan.

Maaari mo bang ipaliwanag kung bakit At Nabulag ang Tagapagsalaysay? Wala yatang banggit dito sa alinman sa limang kuwento, pero naalala ko ang Griyegong mito ni Tiresias.

Kung babasahin ang lahat ng kuwento sa koleksiyon, lahat ng mga tagapagsalaysay sa kuwento ay walang nakakamit na kabatiran sa pagtatapos ng kuwento. Lahat sila nananatiling bulag sa kung ano ang halaga ng mga nangyaring pangyayari sa kanila. Naguguluhan parati ang mga tagapagsalaysay sa pagtatapos. Isang kaguluhan na hindi nila maipaliwanag, kung hndi nararamdaman lamang, nahihiwatigan o natutunugan. Nasa mambabasa lamang ang kabatiran, wala sa pangunahing tagapagsalaysay. Wala sa pagdanas ang kabatiran kung hindi nasa pagmumuni-muni ng isang mambabasa na binabalik-balikan ang mga pangyayari. Ganito kahalaga ang ehersisyo ng pagmumuni sa akin, hindi katulad ng iba na higit na idinidiin ang karanasan sa ibabaw ng buhay-intelektuwal.

Siyempre naiiugnay ko ang At Nabulag sa sumunod mong akda, ang iyong nobelang Ang Sandali ng mga Mata. May pagbabaliktad na nangyari rito: sa una, nabulag ang iyong tagapagsalaysay batay sa mismong pamagat, at sa ikalawa naman, nabuksan ang “mata” ng iyong tagapagsalaysay kung kaya nakikita niya ang lahat. Kapag nabulag, mahihirapan nang maibalik ang paningin, at ayon naman sa nobela, kapag “nabuksan ang mata, hindi na ito kailanman maisasara.” Gayundin, “ang mata ang tumitingin, at ang mata ang tinitingnan.” Maaari ka bang magkomento hinggil dito?

Kung ang mga tagapagsalaysay ko sa At nabulag ay nananatiling bulag at walang nararating na kabatiran sa pagtatapos ng kuwento, ipinagpapatuloy ko ito sa Sandali. Pinalalalim ko lamang sa Sandali sa pamamagitan ng pagtalakay na ang pagkabulag ay hindi lamang nangyayari dahil sa pagkabulag o depekto sa sariling mata, depekto sa sarili, kakulangan ng sarili, o pagpikit sa mga nangyayari sa paligid. Dito kasi sa Sandali, isang manunulat ang tagapagsalaysay ko. Itinatanong ko sa sarili ko, na sa Pilipinas ba bulag din ang manunulat? May pagkukulang ba ang manunulat sa bansa natin kaya hindi na siya tinatangkilik, hindi binabasa, hindi pinaniniwalaan, katulad ni Pilosopo Tasyo sa Noli? Pinoproblema ko kasi sa tauhan ng manunulat na si Teban sa Sandali kung ano ang lugar ng manunulat sa Pilipinas, na hindi naman nagpapahalaga sa kanya? Ang nagiging sagot ko, hindi “bulag” ang manunulat sa Pilipinas dahil sa isang depekto sa sarili, o kakulangan sa sarili. Ang pagiging inutil niya o walang silbi sa bansa, na isang manipestasyon ng pagiging bulag, ay dala ng patong-patong na problema sa bansa na napakahirap nang arukin ng isang karaniwang pag-iisip. Dahil naiintindihan ng manunulat ang lahat, bukas sa lahat ang kanyang mata, hindi na tuloy niya alam kung ano ang solusyon o ano ang papanigan, dahil ang pagpanig ay kasama na sa problema. Isang ekstraordinaryong pag-iisip ang kinakailangan upang mawatasan lamang kung ano ba talaga ang problema ng bansa. Patong-patong na problema, nagkokontrahang solusyon. Kaya sa pagtatapos ng Sandali, sumusuko na lamang talaga si Teban sa pagsisikap na maunawaan ang lahat, at magpapasyang umuwi at alagaan ang mga personal niyang mga relasyon. Madilim na pagtatapos. Kaya walang inihahaing tiyak na pagtatapos o solusyon ang nobela ko. Isang kondisyon lamang ang sikap na inilalarawan ng nobela ko. Marahil sa mga susunod kong nobela masasagot ko na ito. Pero sa ngayon wala pa.

Madilim na pagtatapos, pero may pag-asa pa rin naman dahil sa kabatirang mananatiling buhay kailanman ang mga kuwento. Ipagpapatuloy mo ba ang Sandali sa susunod mong nobela? O ibang-iba ang susunod?

Ibang-iba ang susunod. Una, hindi historikal ang ikalawa kong nobela. Napagod ako sa historical novel kaya sa ikalawang nobela gusto kong magsulat nang nasisiyahan lamang ako sa pagsusulat, nang hindi nasasagkaan ng mga katotohanang historiko. Gusto ko lang magpahinga rito sa ikalawang nobela. Higit na maikli ito dahil dito. Baka nga higit na wastong tawaging “novellete.” Sa halip na historikal, ginalawan ko naman dito ang mga pribadong mundo ng mga emosyon ng tao. Ngunit may mga bahagi rito sa ikalawang nobela na kakikitaan pa rin ng sinimulan ko sa Sandali. Pero hindi na buong-buo na magkapareho sila.

About these ads