Niles Jordan Breis: Pambungad sa Kahulugan

1.
mga lakbay-nilay at pagbubunyag” ang subtitulo ng koleksiyong rubrica ni Niles Jordan Breis. Isang neolohismo ang “lakbay-nilay” na binuo mula sa paglalakbay at pagninilay, at pinagtitiyap ang mga kahulugan ng dalawang salita. Sa gayon, maaaring isipin ang lakbay-nilay bilang “paglalakbay sa pagninilay” at/o “pagninilay sa paglalakbay.” Sa una, masasabing puwedeng hindi pisikal/empirikal lamang ang paglalakbay—kundi ito ay dulot ng isinasagawang pagninilay; na ang pagninilay kumbaga ay isang paraan din ng paglalakbay, i.e., paglalakbay sa isip. Sa ikalawa, ang pagninilay ay nakatuon sa paglalakbay o hinggil sa paglalakbay. O maaari rin namang pagninilay habang naglalakbay na hindi eksklusibong hinggil sa paglalakbay ang paksa o pokus, bagama’t di-maiiwasang kaugnay pa rin, sa isa o dalawang bagay, ng paglalakbay.

Hindi kay Breis ko unang naengkuwentro ang lakbay-nilay kundi kay Rio Alma bagama’t hindi ko tiyak kung orihinal nga sa kanya ang naturang coinage. Anuman, pamagat ito ng isang seksiyon (Ikalawang Aklat: Lakbay-Nilay) ng librong Doktrinang Anakpawis ni Alma na binubuo ng mga tulang masasabing bunga ng mga paglalakbay ng makata sa iba’t ibang aktuwal na pook sa Pilipinas (e.g., Vigan, Zamboanga, Banawe)—higit na “pagninilay sa paglalakbay” kung gayon, sang-ayon sa nauna kong pagsisinsay, ang kanyang lakbay-nilay. Kung tatalon mula kay Alma, tila nasa kabilang panig naman, ang mga lakbay-nilay ni Breis—higit na nasa “paglalakbay sa pagninilay.” Hindi mga aktuwal na pook ang nilalakbay ni Breis sa kanyang pagninilay kundi mga imahinaryong lunan, wala o mayroon mang pangalan ang mga ito gaya ng sinaunang pook ng Arufiano, lungsod ng Amid, at Apulacayo (mula sa rubrica) at Aracatacag at Pambungad sa Kahulugan (mula sa Aracatacag). Mga daigdig na kung hindi man ganap ay halos lingid na lingid sa ating kaalaman at tahanan ng samotsaring kakaibang nilalang. Kaya naman, dito nagiging mahalagang mapagbunyag din ang kanyang bawat lakbay-nilay. Pagkaraan ng kanyang bawat akda, nagagawang maisiwalat sa atin sa mundo ng tula ang isang naiibang mundo kung saan “nagsasalikop ang maraming bagay” at “walang anumang pinaghihiwalay.”

2.
Magkaibang koleksiyon ang Aracatacag at rubrica na kapwa lahok ni Breis sa kontes ng Palanca—ang una, noong 2000 at ang huli, noong 2008 at nagwagi ng ikatlong gantimpala. Maihahaka kung gayon ang may kalayuang agwat ng panahon ng pagkakasulat ng mga tula sa dalawang set—maliban na lamang kung iisiping magkakasunod na nalikha ang mga tula, at nagkataong magkalayo lamang talaga ang taon ng pagsali ni Breis sa kontes. Kabilang sa Aracatacag ang tulang-pamagat na “Aracatacag” at kabilang naman sa rubrica ang “apulacayo.” Parehong imahinaryong pantastikong pook ang Aracatacag at Apulacayo kaya agad mahihiwatigan ang pagpapatuloy ni Breis—kahit pa sa kabila ng mga taon—sa paglikha ng kanyang kakaibang daigdig ng tula. Nananatili ang kanyang preokupasyon sa mahiwaga’t kakatwang mga nilalang, pook, at penomenon.

Isinisiwalat sa “Aracatacag” ang mundo ng Aracatacag, ang “pulo ng mga walang piltrum, ang kanal / sa pagitan ng ilong at labi.” Isa sa mga taal na taga-Aracatacag ang nagsasalita sa tula, mismong nilalang na walang piltrum, at tanging may kakayahang magpahayag na “huwag magtaka / kung nauunawaan namin ang lahat ng wika, / katutubo man o dayuhan…” Pero bakit nga ba hindi dapat ipagtaka ang gayong pagkaunawa nilang mga walang piltrum sa lahat ng wika—at maipakakahulugang kay lawak ng kanilang kaalaman? Umano, ayon sa ilang kuwentong bayan sa ilang kultura, napupuspos ng buong kaalaman ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang, ngunit bago siya isilang ay pinatatahimik ng isang anghel sa pamamagitan ng pagdait ng isang daliri sa ibabaw ng kanyang labi upang pagsipot niya sa mundo ay hindi makapagsalaysay ukol sa kalangitan o makalimot. Ang piltrum ang itinuturing na marka ng gayong pagpapatahimik sa bata. Kaya maihahaka alinsunod dito, at siyang batayan ni Breis marahil, na kung walang piltrum ang nilalang, nananatili sa kanya ang walang-hanggang karunungan. Hindi na mahalaga kung sa batid nating realidad, wala naman talagang taong isinilang na walang piltrum at may absolutong karunungan; ang mahalaga ay ang paglikha ng “realidad” na ito sa mundo ng tula. Dahil lunan ng posibilidad ang tula, pinapasok tayo sa Aracatacag kung saan, kabilang sa maraming hindi dapat ipagtaka o ikatakot, maaaring “mahati sa dalawa ang bawat butil ng hamog / bago pa man pumatak sa buong kaligiran.”

Mula sa paghati ng hamog, paliliyabin naman nang kusa ni Breis sa tulang “apulacayo” ang “siyamnapu’t siyam / na nakahilerang bato” sa Apulacayo—isang pook na kasing-enigmatiko ng Aracatacag—kung saan “wala nga raw tabing ang nakalipas.” Kung pangunahing tampok sa “Aracatacag” ang mga nananahan ditong walang piltrum, pangunahing tampok naman sa “apulacayo” ang siyamnapu’t siyam na bato. Bakit espesipikong siyamnapu’t siyam (bagama’t lagi ngang tiyak ang mga bilang sa mga tula ni Breis: “sandosenang aso,” “labimpitong bahay,” “pito na ga-pusang daga,” “tatlong daliring nakadiin”)? Maaaring ito’y alusyon sa siyamnapu’t siyam na pinakamagagandang pangalan ng Diyos ayon sa Kor’an, lalo pa nga’t ipahahayag sa ikalimang saknong:

makatlong ulit nilang tatawagin
si Allah Al-Mu’akhkhir
upang idulog ang pahiwatig
ng susungaw na tubig sa kanilang mga mata:
ang poot ay mag-aapuhap ng pangalan;
ang ihahatag na biyaya o parusa
ay hinahangad na maantala.

Ang Allah Al-Mu’akhkhir ay isa sa mga pangalan ni Allah at nangangahulugang “Ang Tagapag-antala.” (Iaalingawngaw pa ang “Ang Tagapag-antala” sa tulang “alinsunod sa “ang tagapag-antala”.”) Kung nasa Apulacayo ang siyamnapu’t siyam na bato—at kung ito nga ay maaaring katumbas ng mga pangalan ng Diyos—maitatanong: isa bang lunan ng Diyos (hindi kinakailangang si Allah) ang Apulacayo? Maaari. Batbat nga ng mga engkanto, anghel, Diyos, at iba pang nilalang ang mga tula ni Breis. At kaya maipapalagay na sa Diyos ang tinig na magpapaalala sa wakas ng “apulacayo”:

“ipagkatiwala ang inyong mga lihim
sa mga napakaduwag
kung magbunyag o magbilin.”

Lunan ng Diyos, pulo ng mga walang piltrum—consistent lamang si Breis mula Aracatacag hanggang Apulacayo sa paglikha ng mga daigdig na katatagpuan ng “tubig na / hindi kumugkog matapos maipukol / ang pinakamagaspang mang bato” o kung mangyaring kumugkog naman ay “lulubog ang mga bituin.”

3.
Samantala, tila nasa paalalang sinipi mula sa “apulacayo” ang malaking kabalintunaang maituturing na puwersa ng koleksiyong rubrica at kahit ng nauna ritong Aracatacag. Dahil kung ito nga ang “tampok na paalala”—ang ipagkatiwala lamang ang mga lihim sa mga napakaduwag kung magbunyag o magbilin—na wika ng persona sa tula o maaaring ni Breis—ang autor—mismo, anupa’t si Breis din ang agarang sumusuway sa habiling ito. Mahalagang pansinin muna, bago ito, na sa pagwiwika ng persona/ni Breis ng kanyang paalala, siya ay naghahabilin din. Ibig sabihin, hindi siya kabilang sa mga tinutukoy niyang “mga napakaduwag / kung magbunyag o maghabilin,” at kung gayon ay maaaring sa kanya “ipagkatiwala ang mga lihim.”

Ngayon, kung ang mga tula sa rubrica (at kung lilingunin pa, maging sa Aracatacag) ay mga “pagbubunyag” nga ni Breis ng mga “lihim” na maihahakang ipinagkatiwala sa kanya ng kung sinuman dahil nahulog sa anaki’y “patibong” ng kanyang “habilin”—ang mga tula ay mga pagbubunyag hindi lamang ng mga lihim na nilalang at daigdig kundi gayundin ng haluang karuwagan ng makatang kipkipin ang kanyang mga nalalaman at katapangang isiwalat ang mga ito maitaya man ang sarili. Sa huli, ang pagtataya namang ito ang siyang pinakamahalaga sa pagbubunyag (kung tutuusin, pagbubunyag ang lahat ng sining), sapagkat ano ang halaga ng pagbubunyag kung ang maisisiwalat ay hindi naman makapagbibigay sa atin ng kabatiran (insight), hindi sukat “makapagpapabago” ng ating mga pagtingin at pananaw kung hindi man ng ating buhay nang tuwiran. At itong paghahanap ng kabatiran nga ang maituturing na pangunahing motor ng pagtula ni Breis, ng kanyang bawat lakbay-nilay at pagbubunyag. Aniya sa isang artikulo, “A good writer gives astonishment of insight.” Kaya naman hindi kataka-takang likhain niya nang buong ingat, selan, at salimuot ang kanyang patibong kahit kalakip ang kabatirang siya rin ang unang-unang mabibitag. Ahas na walang-hanggang nilululon ang sariling buntot.

Kung hindi kalabisan, ang makata ba, sa isang banda, ay maituturing na nilalang na walang piltrum kaya hindi mapatatahimik o makalilimot? At nanggaling, sa kabilang banda, sa isang pook na walang tabing ang nakalipas? Anuman, ayon kay Breis, “kung ano ang totoo, tayo pa rin ang nakaaalam.”

4.
Sa tulang “drinomena,” wika pa ni Breis, “mag-iipon ang iilang bayani / sa ngalan ng ibunyag ang totoo!” Kung may bahid ng katotohanan ang pahayag na ito, maihahakang lagi ngang kaakibat ng anumang pagbubunyag ang inaakala at inaasam na totoo. Katotohanan maging sa pagbubunyag ng mga imahinaryong lunan. O katotohanan bilang imahinaryong lunan at vice versa. Katotohanang hindi rin ganap na tiwalag sa kahulugan at maaari pang sabihing, kung para rin lang kay Breis, siyang “pambungad sa kahulugan” anuman, sa kabalintunaan, ang kahulugan ng kahulugan. Gayunman, kung sa kalahatan, maipapanukala na kapag sinabing kahulugan ay maaaring tumukoy sa “kahulugan ng buhay,” at kung ito ay tatanggaping totoo, kailangang kaakibat din nito ang anumang maipapanukalang “kahulugan ng kabilang-buhay.” Sapagkat kahit kailan, kabilaan nga ang bawat mukha, maging ang mukha ng katotohanan.

Kaya naman kabilang din sa isinisiwalat na mga imahinaryong lunan ni Breis ang daigdig ng kabilang-buhay. Katulad ng maraming makata at manunulat noon pa ma’t ngayon, preokupado rin siya sa ina ng lahat ng kariktan, ang kamatayan. Bukod sa mga engkanto, diyos, hayop, ibang nilalang, persona rin niya ang anghel ng kamatayan, at naghihingalo, gaya sa “Apokripal” kung saan kinakausap ng anghel ang isang napipinto na nitong sunduin:

nasusulat: di ako ang sugo
ng mapagbunyag na pag-ibig;
sa pagsipot
ng kidlat at pagkalugkog
ng kulog, gagalbutin ko
ang espadang gagahi
sa iyong laman
pilit mo mang ibulong ang “patawad.
natatakot ako, natatakot ako
sa tahik na daan.”

Matigas at malamig ang tinig ng anghel na maaari ngang asahan sa isang sugo ng kamatayan. Sa takdang sandali walang pangimi nitong isasagawa ang pag-utas sa naghihingalo. Samantala, ang “tahik na daan” ay ang daan ng kamatayan at siyang kinatatakutang lakbayin ng mortal sa tula. Natural naman itong asahan sa sinumang mortal. Gayunman, hindi laging takot ang mababasang umiiral sa mga persona ni Breis na nasa bingit ng kamatayan. Maihahalimbawa ang madaramang tila kapayapaan at pambihirang kabatiran sa persona sa “Ayon sa Isang Naghihingalo.” Sa unang bahagi, nasusulat:

Nagkahugis ang anino sa dingding—
Labimpitong vinyl slats ng Venetian blind.
Nagmumungkahi na may masisilip

Sa labas: waiting shed
Na masisilungan ko lamang
Kung hindi na ako mababasa ng ulan

Kailanman.

Hindi pangamba o takot ang hatid ng “pagkakahugis ng anino sa dingding” kundi pag-asa o pananabik sa iminumungkahi nitong “masisilip / [s]a labas.” Bagama’t literal na waiting shed sa labas ang imahen sa tula, batid natin sa konteksto at piguratibong antas na ang labas ay tumutukoy sa “labas” (kamatayan) ng buhay na nananatiling nasa loob ng bahay o gusali habang nabubuhay. Ang kagulat-gulat, ang maaasahang malawak na “labas” na imahinaryong lunan ng mga patay ay higit na pinaliit at pinasimple ni Breis sa isang “waiting shed.” Karaniwang ilan lamang ang kasyang sumilong sa hintayang ito. Gayunman, maipapalagay pa ring tunay na malawak nga ang “labas” na daigdig ng mga yumao sapagkat maaaring isang estasyon lamang ang waiting shed kung saan nakasilong at naghihintay silang mga “hindi na nababasa ng ulan kailanman.” Maaari ring bawat isang yumao ay may nakatalagang waiting shed. Ngunit ang mahirap mabatid ay kung hanggang kailan ang kanilang ipaghihintay o kung may hihintayin nga sila sa naturang waiting shed—kaya dito higit na nagiging mahalaga ang pag-asa o pananabik sa kamatayan ng nasa bungad nito, ang naghihingalo.

Palalakasin pa at bibigyang kongklusyon ni Breis sa dulo ng tula itong konsepto ng pag-asa at pananabik—sa halip na pagkatakot—sa kamatayan. Ipahahayag niya:

Bilis! Doon tayo sa kubikong burol
Na pinangalanang PAMBUNGAD
SA KAHULUGAN. Pagmasdan
Ang ulilang aso—nalulugon
Ang buntot, sumúsubo ang laway;
Walang tigil sa pagkalot
Ng sariling hukay. Huwag. Huwag
Siyang gambalain. Hayaang manabik
Sa walang-hanggang paghimlay
Upang siya’y muling matikas
Na makatahol sa kabilang buhay.

Sa pagkakataong ito, isang aso ang tila nakaaamoy na ng pagwawakas ng kanyang buhay. Gayunman, hindi nangangamba ang aso, sa halip ay “[w]alang tigil sa pagkalot / [n]g sariling hukay.” Pansinin ang “sariling hukay” na hinuhukay ng aso. Dahil para sa kanya ang hukay, patunay lamang ito ng kanyang walang takot na pagharap sa kamatayan, at taliwas sa kawikaang kapag naghuhukay ang aso ay may mamamatay sa sambahayan—ngunit hindi ang aso. Taliwas din ito sa imahen ng aso sa pinturang The Dog ni Francisco Goya; waring nasa bingit din ng kamatayan ang aso—nasa hukay na nga—at kababakasan ng mortal na takot sa daratal. Tulad naman ng “waiting shed sa labas,” maituturing din ang “kubikong burol” bilang maliit at payak na estasyon lamang sa imahinaryong lunan ng mga patay. Higit na malawak dito ang pinanabikan ng ulilang aso: ang “walang-hanggang paghimlay.”

Maipapalagay kung gayon hindi lamang ang kubikong burol kundi pati ang waiting shed, at sa ekstensiyon, ang lahat ng imahinaryong lunan, ang bawat lakbay-nilay at pagbubunyag ni Breis, bilang mga “pambungad sa kahulugan”—pambungad sa bawat binubuksang daigdig at bawat pagpaloob dito ay balintunang isa lamang “prologo / sa bawat nagwawakas na paglalagalag.”