“Lunan ng Tula”: Panayam kay camilo m villanueva jr

by ayerarguelles

Tinatapos ni camilo m villanueva jr ang kanyang MA in Language and Literature sa Pamantasang De La Salle (kung MFA sana ay tapos na siya) habang patapos na rin ang sem-to-sem na kontrata sa University of the East-Kalookan para sa unang semestre ng AY 2010 – 11 kung saan may dalawang klase sa Philippine Literature siyang pinupuntahan kada TTh at part-time rin siyang editor sa Innovative Educational Materials, Inc. kada MWF. Gabi lamang siya nakadaraan sa Internet shop para makapagsulat ng requirements, gumawa ng projects, at magtangkang magsulat. Marami siyang pinasasalamatan sa pagtulong sa kanyang makapagpatuloy ng pag-aaral, makapagtrabaho nang may masilungan at mauwian, at higit sa lahat manatiling may lakas ng pangangatawan para magpatuloy at umasa at — matutuhang lumigaya at makilala ang tuwa sa araw-araw. Una niyang aklat ng tula ang tamang hinala (C & E Publishing, 2010). Maaari siyang i-email sa cmvillanuevajr@gmail.com o cmvillanuevajr@yahoo.com.

 

*

Sabi mo sa isang mensahe sa text, hindi ka conscious na nagplano o nag-stick sa isang project design.

Oo. Wala akong plano o disenyo nang magsimula. Gaya kung paano ako madalas nagsisimula sa isang tula—o anumang likha—noong madalas pa akong magsulat at naglalaan ng panahon sa pagsusulat at laging may dalang bolpen at notbuk para sa gawaing ito.

Noon, ang pagsusulat ay hindi task o trabaho o pagsubok o libangan o tungkulin o panata o parusa o anuman. Wala lang ito—gaya ng lahat ng nakagawian nang ituring na bahagi ng araw-araw na pag-iral gaya ng paghahapunan, pagkawili, pag-commute, pagliliwaliw, pagpili ng susuotin—ngunit hindi ko sinasabing madali ito o awtomatiko o balewala ito o hindi ito kailangang pag-isipan o wala ritong pangangailangan.

Taliwas sa trabaho na naririyan na ang sasabihin, aayusin na lamang ng gagawa; para sa akin, ang tula ang naririyan at may sinasabi na at hinihintay o hinahanap lamang ang angkop o katumbas o katuwang na kamalayan para ito ay mabatid o mahinuha o mabasa o mahuli sa kaordinaryuhan at kaguluhan ng tila kawalang-kaanyuan o kawalang-kaayusan o kawalang-katiyakan ng araw-araw at—sa pag-aayos nito sa kamalayang ito, hindi ang kabaligtaran na ang kamalayan ang umaayos gaya sa paggampan ng trabaho—ay magiging likha dala ang inisyal nitong hugis at anyo.

Gaya ng anuman sa kalikasan, lahat ay mayroon nang likas na hugis at anyo: Hindi iba ang tula. Hindi ba nga’t kahit ang snowflakes na nahuhulog lamang at natutunaw ay may ispesyal na anyo kahit parang puti lang sa pagbagsak o ang dulo ng daliri na may ispesyal na mapa ng kaakuhan sa kaniyang fingerprint o ang isang tao na isa palang programadong likha ng genes ng magulang nito o ang alikabok sa paanan na hindi lang isang pinulbos na mineral kundi kumbinasyon din ng mga atomo ng iba’t ibang elemento. [ANG MERON ANG TULA NA ATOM NG IBA PANG ANYO]

Gaya ng anumang nasa ilang—ang kaguluhan ng siyudad at ang kawalang-kaayusan ng araw-araw ay gubat din—mas nagiging mailap ang sasabihin kapag may plano o disenyo na agad na parang hawla o bitag na paglalagakan ng iluluwal o magaganap pa lamang.

Siguro’y dahil nagsimula ko talagang makilala ang pagtula bilang isang sorpresang pagkukurus ng landas ng realidad ng araw-araw na mundo at ng realidad ng sariling mundo ko kaya kinagigiliwang maging adbenturero na nagpapagabay sa biglaan at walang pasabi para mapaloob sa saglit na itong magaganap lamang kung mapapadpad sa sandaling iyon at sa pagkakataong iyon ay dadaluyan ng tula para ito ay makapagkatawang-salita. Kamalayan sa tamang lugar at panahon—parang pag-ibig—na kapag namali o may nalihis o napokus sa isa at hindi sa iba ay lahat nag-iiba o iniiba ang lahat—di mabibilang ang kumbinasyon, pero kung mahahagip lahat ay lahat panalo naman. Imposible nga lamang—at madalas sa hindi, batay pa rin sa iba pang salik ang talas at lalim ng pagkilala o pagtingin sa salimbayang ito ng saglit—na di iba sa walang tigil na paggalaw ng mga molekula—na siyang oportunidad at biyaya, puno’t dulo ng paglalayag sa bakasakali. [ANG MGA IGLAP NA PORTRAIT SA IKALAWANG BAHAGI, NA USAL SA SHELTERTOWN, AT NA PAGPAPALIT-ANYO SA SILID]

Mula sa wala lamang—dahil walang ayos o tiyak na sinasabi o punto ang araw-araw na mga sandali na sinasabing inkonsekuwensiyal—tungo sa isang anyo pa ng kawalan—sa pagkakatitik sa pahinang walang ring sinasabi o punto hanggang sa bigyang buhay muli ng pagbigkas o pagbabasa at pag-unawa.

Sisimulan ako ng tula dahil siya ang at ay naririyan lamang at nagpaparamdam, nagbabakasakali, na matagpuan—at siya nga’t natagpuan! [ANG NAWAWALA NA NARIRIYAN LANG]

Kumbaga sige lang sa pagdanas at pakikipagsapalaran sa buhay. Walang muwang sa maraming bagay: Ang alam ko lang nangyayari ang mga nangyayari at dapat umagapay rito lalo’t kung wala sa ating mga kamay ang kaganapan o ang ikagaganap. Sulat lamang nang sulat kung may maisusulat at habang nakapagsusulat pa; gawa lamang nang gawa hanggang kaya pa at mayroon pang mga dapat at kailangan at gustong gawin.

Gaya ng pagkakapili sa amin ni John Iremil Teodoro para maging writing fellows ng BNSCWC ng DLSU noon. Ang malinaw noon dagdag na pantawid-araw ang matatanggap na maliit na halaga buwan-buwan. Hindi ko naman naisip—o maisip—na katumbas ng allowance na iyon ang bawat iluluwal na akda o ng akda ang allowance o ng allowance ang karanasan na siyang magluluwal sa akda. Naisip ko lang na okey ito, maganda, mabuti, makatutulong, isang biyaya, isang magandang balita.

Kung may plano, ito siguro ay ang makatulong sa akin noon bilang isang indibidwal-na-laging-nasa-bingit-o-gilid-ng-mundo: Doon hindi ako nakakaisip ng plano gawa ng dalawa lamang ang maaaring kahantungan—Una, ang bumitiw o madulas at tuluyang maparool sa bangin ng mundo-doon; at, Ikalawa, ang mangunyapit at mamitig sa patuloy na pagbabalanse sa ere.

Ang plano siguro ay posibilidad at pagtanaw sa malinaw na kahahantungang kayang gawing totoo ng sarili batay sa taglay nito at kakayahan nito. Wala sa akin ang kaligtasan—hindi ako o ako lamang ang magtatabon ng lupa sa bangin para pumatag ito at malakaran nang matuwid at hindi rin ako o ako lamang ang lilikha ng hagdan o magpapababa sa deus ex machina para makapagtuloy sa pag-akyat o hugutin ng maaliwalas na kapalaran sa tila kabagot-bagot na pagkaestatwang ito kung saan hindi kailangan ng eskultura o hindi mapagkakamalang eskultura ang kakatwang kinasadlakan ng isang dapat ay normal lamang na gumagalaw, gumagana, gumaganansiya sa paglipas ng panahon.

Ngunit ang maestatwa sa kabila ng lahat? Madalas sa hindi, hindi ako nakakapili o nakakapagdesisyon ayon sa inaasahan.

Hindi dahil sa walang plano o disenyo kundi dahil mayroon nang disenyo at plano. Pansinin: Nasa DLSU Press ako noon, kumukuha ng MFA, at madalas tumatanggi na mabigyan ng load ng Literature Department. Si Dr Isagani R Cruz ang pabliser namin sa DLSUP at ang chair ng LitDept. ‘Ika ko, “Sir, napakabigat na po ng load namin sa DLSUP para magkaroon pa ako ng maraming subject na ituturo.”

Maging guro sa kolehiyo na babayaran ang kada oras ng halagang di matatapatan ng de-numerong kompyutasyon ng datos sa bundy clock at may kaseguruhan kundi katiyakang pangmatagalan at malawak na espasyo sa pag-unlad at walang rurok na pagkakataon para lumawak at magpalawak o maging empleyado sa imprenta na kada minutong mahuli ay kaltasado samantalang kada oras na labis ay kailangang paabrubahan sa lahat at hindi kasintatag ng unibersidad ang hinaharap at limitadong mobilidad at pag-angat na magmimistulang pabor sa liit ng puwang at bilang pasahurang gumagampan ng tiyak na mga tungkulin ay nakatali sa gawa at turing ng iba ang paggana. Walang pagtatalo—walang paghahambing—walang magkakamali sa pagpili: Malinaw pa, ‘ika nga, sa sikat ng araw. Hindi na kailangang pag-isipan pa o pag-aralan. Hindi na nga kailangang pumili pa.

Nagkasala ako. Hindi ko alam na mortal na kasalanan ang pagtalikod ko nang paulit-ulit sa dapat. Mortal di lamang sa kaluluwa kundi sa katawan mismo. Paulit-ulit kong tinanggihang tahakin ang landas na dadaanan na lamang—malinis, maluwag, maliwanag, matuwid.

Tumatanggi ako. Ano pa’ng silbi ng plano kung di ito masusunod? Lumalayo ako. Ano pa’ng tulong ng disenyo kung babalewalain ito?

Ano’ng gusto kong sabihin—tula man o buhay, buhay man ang tula gaya nang nausal isang gabing lango sa hiwaga at ligayang hatid ng sining, ang tula ay buhay—hindi ko kinailangang magsimula mula sa isang disenyo o plano dahil ito na mismo ang simula ng lahat ng bagay o ng anumang buhay, ang plano o disenyo. Ito ang given—ito ang dahilan at dulo—ito ang pinagmumulang pundasyong konseptuwal/teoretikal—samakatwid, ito rin ang metodolohiya at pagbasa.

Takot kaya ako na mapalihis sa taal na kaayusang ito at sa pagtatangka na maghain ng kaayusan ay lalong humina ang estrukturang sinimulan at gumuho lalo ang moog na sinasandigan?

Unconscious ang pagkakaroon ng disenyo at plano: Ang conscious ay ang kawalan ng plano at disenyo. Ang pagtatakda—para sa akin—ay sadya, at samakatwid, mas nakakatakot na gawa ng pagwasak sa naroroon na.

Kaya ba sa iyong maikling paliwanag sa aklat hinggil sa estruktura ng kalipunan nito, makikita na mayroon itong anim na waring hindi magkakaugnay na mga bahagi?

Oo. Gaya ng materyal ng akda, bagama’t unconscious—dahil likas—ang pagkakaroon ng disenyo at plano, ang bunga—na masasabing consciously walang plano at disenyo—ay magkakaroon at magkakaroon ng anyo, ng hugis. Ano na ang mayroon, ano ang pinahihiwatig ng mga ito?

Dito sa pagtinging-muli sa mga akda ang paghahanap sa nakukubling disenyong ito: Na bukod sa indibidwal na mga bunga—ang bawat elemento ng  kalipunan—ay ang puno o hardin siguro na masasabing pinagsibulan ng mga akdang ito.

Dito pumapasok ang tinatawag ko na lunan ng tula—bukod at hiwalay sa pinagmulang aktuwal na sandali ng kamalayan ang hantungang estado na ito sa pagiging titik—salita, anyo, kaayusan, lathalain—ng sandali bilang isang detinadong entidad sa pahina.

Ang makata ay nagiging muling manlilikhang muli sa muling pagtingin niya sa mga naging resulta ng mga sandali para mailatag ito sa isang paraang nagsasabi pa rin ng nais sabihin ng indibidwal na mga saglit ngunit iba at mas malaki sa bawat saglit na ito ang ibang sinasabi—o ipinahihiwatig—ng kaayusang nakikita ngayon: ang estrukturang binabanggit sa panimula na siyang ibayong nilalaman at siyang kaayusan.

Muling manlilikhang muli gawa ng stages na pinagdadaanan niya para tuluyang magupo—o masuyo—ang iglap: mula unang engkuwentro tungo sa pangalawang pakikipambuno sa anyo tungo sa ikatlong paghuhugis sa mga anyong nalikha.

Hindi. Gaya ng nakasaad sa Panimula, ang mismong pagkakaayos ng mga iglap na ito ay isang estruktura na ng panahon (naratibo) gaya ng nabanggit—at samakatwid estruktura na rin ng pag-iisip (kamalayan)—na kapwa umuusad/static sa pagkakalimbag.

Hindi rin kung sa batayang disenyo o plano ang nauuna bago ang paggawa.

Kung gayon nga, may maituturing bang unifying element ang mga bahagi?

Oo.  Walang hindi magkakaugnay kung tutuusin; wala ring di sinasadya ito man ang turing ng indibidwal sa isang kaganapang parang nagkataon lamang o isang agregasyong parang nagkasama-sama lamang.

Laging may mga puwersang mas makapangyarihan at wala sa kamay ng indibidwal—siya man ang may-akda, isang nagkataong nakasilip sa mga akda, o ang kritiko nito—na patuloy na gumigiya sa itatakbo ng mga magaganap. Ito ang kaayusang lantay sa lahat ng bagay.

Lahat napapasailalim, halimbawa, sa saklaw ng panahon—temporal, samakatwid, ibinunga ng isang partikular na yugto ng buhay o karanasan—at nabubuhay, umiikot sa loob pa rin ng isang partikular pang panahon, bukod pa sa panahong aabutan o aabutin nito sa anyong ito ng pagkakaimprenta.

Kumbaga maraming unifying element at ang mga ito ay mula sa dalawang dako: isang mula sa labas (yaong mga given gaya ng panahon nga na bahagi ng kaligiran ng pagkalikha at ng tula mismo) at isang mula sa loob (bagama’t makro dahil mula sa nakapailalim o nakapandong sa kalipunan at sa kalipunan ng mga kalipunan).

Ang titulo siguro ng kalipunan ang maituturing na isang hint sa (mga) unifying element ng koleksiyon.

Ikaw ba ang gumuhit ng mga ilustrasyon sa aklat (“bulaklak” na ashtray at “bulaklak” na halaman)?

Oo.

May hiwalay na talambuhay ang mga guhit na ito. Karaniwan akong nagdodrowing gamit ang bolpen—sa parehong notbuk kung saan ako nagtatala o nagsusulat ng mga bagay-bagay—gaya ng iglap na nagbunga ng tula, isa ring ispesyal na engkwentro ang makahagip ng bagay ng mag-aanyayang idrowing ito.

Hindi ko maaalala kung sa isang pocket notebook ko o yung normal-size na notebook ko ito idinrowing—malamang kung saan ang ilan sa mga tula sa kalipunan ay orihinal na naitala, di ko na rin maalala—basta yung madaling bitbitin, sa likod na bulsa ng maong. Ini-scan ko ang tatlong imahen, ini-grayscale yata o nilapatan ng effects, saka binura ang matitingkad na gatla ng linya ng notebook, at itinapat sa mga panggitnang mga pahina.

Ano ang halaga ng mga ito sa kalipunan?

Ang mga imahen ay alaala ng pisikal na pinagmulan ng tula—at lunan din ng alaala. Mga code kumbaga na may sariling register hindi man sa conscious na lengguwahe ng tutunghay ay nakadirekta sa subconscious.

Mahihinuha ang partikular na gampanin ng mga napiling ilustrasyon sa maikling paliwanag sa estruktura ng kalipunan. Isang pahiwatig pa sa halagang ito ang pagkakalikha rin ng mga guhit sa loob ng parehong kaligiran at mga pagkakataon nang ipinunla ang mga simulain ng mga akda.

Ano ang halaga ng paggamit ng mas maitim na tipo at mas malabo na tipo sa una at ikalawang bahagi ng aklat?

Mahihinuha pa rin ang halaga ng pag-iibang ito sa maikling paliwanag sa estruktura ng kalipunan.

Ang dalawang magkasunod na akda sa orihinal ay ookupa lamang dapat ng isang pahina—magkatabi, magkatapat parang magkasalamin—at nilalayong maging diyalogo sa pagitan ng dalawang aspekto ng isang katunayan, dalawang uri ng tinig mula sa dalawang magkaibang bukal.

Dito nga lamang ay mayroon nang suposisyon na sa pagtutuos ng magkakatapat ay may isang nangingibabaw (matingkad at nasa kaliwa) at may isang nagpapasailalim (malabo at nasa kanan), isang pag-ayon muli sa isang kalikasang kaayusan.

Karamihan sa mga tula ay hindi tradisyonal na naka-left align bagama’t hindi rin naman ganoon karadikal na tinipa sa pahina, ano ang halaga sa iyo ng tipograpiya at paggamit ng espasyo sa tula?

Ang tipograpiya at espasyo ay bahagi ng anyo na—minsan ay kasabay na dumadating nang iglap at minsan naman ay nahuhuli nang dating—organiko (dahil nga likas sa anumang likha) sa akda bilang dalawang set ng dalawang mahalagang bagay—Hugis–Disenyo–Pattern na siya ring Galaw–Tibok–Hininga nito sa pahina: Kapwa bilang anyong limbag (biswal) at bilang anyong wika (aural).

Mapapansin na lahat sa kalipunan ay may sadyang kumpigurasyon ng teksto at espasyo.

Maaari mo bang ipaliwanag pa kung ano itong konsepto mo ng “espasyo kapwa at genre—at ng mga elemento nito—gayundin ng “teknolohiya at aktuwal na pakikipag-ugnayan at palitan ng salita” bilang mga lunan o ekosistema o ekolohiya ng (tula/talinghaga)” sa mga bahaging “silid / atom: dalawang lunan at katuturan ng tula”?

Nabanggit ko na sa mga naunang tugon ang salalayan ng mga konseptong ito—sa mga bahaging nagbanggit ako ng lunan, kung saan mula at patungo ang iglap, at ng muling paglikhang muli ng umaakda ng paso o teraryum para lumago kumbaga ang dahon o sanga na ito ng halamang-ilang na napitas sa daan.

“Ang espasyo kapwa at genre—at ang mga elemento nito—bilang mga lunan o ekosistema o ekolohiya ng (tula).”

Ang anumang pagsasalinan/pagtatamnang ito ng iglap ay agad dalawang bagay—espasyo (pisikal) at anyo (abstrakto), na samakatwid ay binubuo ng iba’t ibang elemento na pisikal kapwa at abstrakto—kung saan mananahan–mapipiit, mabubuhay–mamamatay, o yayabong–mababansot ang punlang sandali. Ang punlang sandali ang iglap ang talinghaga ng engkuwentro sa tabing-daan.

Nadaragdagan ang maaaring pamuhayan ng iglap sa kaibang anyo at mekanismo ng dulaan kung saan hindi na lamang ang pahina ang maaari nitong hantungan o marating: Ang iglap ay nabubuhay rin sa diyalogo o awit ng mga tauhan at sa disenyo ng ilaw o entablado o direksiyon ng mga video—kung saan tinatangkang ibalik ang pinagmulang lunan  sa iglap o ang iglap sa natural nitong kapaligiran.

“…Kung saan ang teknolohiya at aktuwal na pakikipag-ugnayan at palitan ng salita ay kapwa mga lunan at ekosistema o ekolohiya ng (tula/talinghaga).”

Nabanggit mo rin na “atom” ang pinaka-ars poetica sa kalipunan at ito para sa iyo ay isang “paglayo sa matulaing anyo sa pahina papalapit sa danas ng tula sa pagbigkas-pakikinig-pagsaksi…” Maaari mo pa ba itong ipaliwanag?

Ito ay batay sa pangmalawakang functional na simulain ng tula sa tradisyong pabigkas/paawit, ngunit nilakipan ng dalawa pang konsepto:

Una, na ang iglap ng simula ng tula ay ang talinghaga na siyang atomo o batayang elemento—building block—ng anumang malikhaing akdang wika; at, Ikalawa, na ang hantungan o tunguhin ng tula ay ang tao na nagbabago man ay nananatiling nakaugat sa karaniwan at pang-araw-araw at agad.

Sa paglabas ng iglap sa pahina bilang awit o diyalogo o bilang serye ng mga larawan sa isang iskrin ay nalilikha muli ito—sa pamamagitan ng paglikha muli sa kaligirang pinagmulan nito o sa pamamagitan ng pagdadala muli nito sa pinanggalingan nitong kaligiran—at nagaganap: ayon sa—normal o natural siguro—nitong paraan ng pangyayari, sa ilang na ngayon ay tinangkang likhain muli, mula sa abstraksiyon ng anyong sining patungo sa kagyat na kapangyarihan ng tunog para mapag-isipan o madinig man lamang patungo sa pinakabasal na pagsaksi sa iglap na naging sandali na naging danas.

May iba pa bang patutunguhan kaya ang sining kundi pabalik sa simula at pumalaot sa dulo? Saanma’y para kanino?

Huli kamong dumating sa iyo ang pamagat ng aklat, may nauna bang working title/s ang kalipunan?

Wala.

Bagama’t may mga proyektong nauuna ang titulo—ang ulo at mukha—bago ang kabuuan at katawan; dito, nauna ang mga bahagi, saka nabuo o binuo, bago nabinyagan at nahiwatigan ang mukha.

Paano mo na natiyak na Tamang Hinala na ang pinal na pamagat?

Kahit kailan ay hindi ako nakatiyak ng anuman.

Sabi ko nga, walang nagkakataon lamang o di sinasadya: hindi man ako ang sumadya ay naniniwala ako sa ibayong puwersang gumigiya sa takbo ng mga pangyayari—gustuhin ko man o hindi.

Oo’t magpapasya ako sa abot ng makakaya at ng kapasidad, hindi ako ang makapagtitiyak matapos makapagdesisyon.

Hindi ko na natatandaan ang tiyak na kaligiran o okasyon ng pagdating ng titulong iyon—pero walang ibang nagparamdam o naggumiit para ilakip sa kalipunan. Wala rin akong naiisip kahit ngayon na alternatibong pamagat.

Bukod siguro sa biro o panukala ko sa iyo sa text na dugtungan ko kaya ito ng subtitulong Isang Nobela.

May nabanggit ka ring “diagram-flowchart” na wika mo ay “talambuhay ng tula,” maaari mo bang talakayin kung ano ang konseptong ito ng talambuhay ng tula at daloy ng iyong diagram-flowchart?

Nagdadalawang-isip ako sa diagram-flowchart dahil mukhang teknikal masyado at parang generic naman ito sa lifestory ng lahat ng bagay na may nais sabihin. Kaya hindi ko na ito tinangka pang buuin muli. Ilang henerasyon na ang napagdaanan ng manuskritong ito—naka-floppy disk pa yata ito, hindi ko tiyak—at wala na akong kopya.

Mahihiwatigan ang talambuhay ng tula sa pagtalakay ko sa Atom bilang ars poetica.

Gaano katagal mong isinulat ang proyektong ito at anu-ano ang maaaring mahahalagang pagkakataon/sitwasyon/pangyayari na kaugnay ng pagkakasulat nito, kung mayroon man?

Ang proyekto ay para sa taong pampaaralan 2000–2001, kaya kung tama ang aking alaala ay ito ang panahong sinulat o naisulat o naisulat-muli ang kalipunan.

Maraming mahahalagang pagkakataon/sitwasyon/pangyayari na kaugnay ng pagkakasulat nito—unang-una na siyempre ang grant mula sa BNSCWC na siyang nagbunsod para buuin ang kalipunang ito.

Lahat ng pagkakataon, sitwasyon, pangyayari na nagbunsod sa indibiwal na mga akda ay itinuturing ko na mahalaga—isama na ang mga tao na nagbunsod sa akin para isulat o ialay o alayan sila  ng talinghaga—gayundin ang mga pangyayaring personal at pangmasaklaw na maaaring hindi man lang sumilip sa mga likha ay nagsilbi pa ring realidad para suhayan ang okasyon ng pagkakaakda sa mga gawang natipon.

Marami rin ang mahahalagang pangyayari na sadyang hindi isinama, binanggit, inalayan, o ginamit sa katipunan na ito.

Bakit mo pinili ang pintura sa pabalat?

Dumating ito sa tamang panahon at pagkakataon.

Matagal akong hindi nakabalita kay Alex (Moscoso), ang pintor ng larawan, at nag-post siya sa Facebook ng kaniyang mga bagong pintura bilang bahagi ng isa niyang proyekto.

Kung maaalala ay may dalawa pa yata akong simplistikong suhestiyon sa pabalat ngunit hindi ito na-execute ng cover designer para mapili ng editor, kaya lalong napagtibay na hindi nga lang basta ito pintura o ipininta para sa isang proyekto ng isang pintor—kundi para na rin maging pabalat ng proyektong ito milya ang layo mula sa Davao o sa Amerika.

Hindi ko nga alam kung saan iwinangis o sa anong larawan iminodelo ang portrait, maliban sa titulo nitong Camilo ay mahihinuha na lang ang anumang nagbunsod para mapili ang subject na ito at gamitin itong bahagi ng serye ng mga pintura at piliin ang anyong ito o anggulong ito ng pintor sa kaniyang paglalarawan/paglalarawang-muli/muling paglikha sa pangalan/identidad/konseptong ito.

Mayroon ka na bang bagong proyekto o ano ang susunod mong aklat?

Noon ay marami akong binabalak na proyekto. Pero natutuhan ko na hindi lang nga ako ang maaaring magdesisyon sa mga bagay-bagay, kahit pa sa sarili ko lamang. Wala na ito. Mawawala rin lamang kinalaunan.

Mananatiling nakabinbin lamang—maaaring gusto ko pang gawin, sundan, o ituloy pero mas mahirap na ngayon na marami nang nawalang mahalaga sa ikatutuloy ng mga proyektong ito. Wala na ang mga manuskrito o notbuk, halimbawa, at wala namang electronic files din.

Nakaugalian ko na kasi noon—sa aking pagsisimula lalo na kahit lagi lang namang nagsisimula lamang—na sumulat lamang para sa iba (na dahil alay ay hindi na akin, matapos lakipan ng dedikasyon ang gawa) o para sa mga logbook noon sa eskuwela at mga organisasyong pang-estudyante (na dahil public ay hindi na rin sa akin—bagama’t nakahabol ako ng ilang piyesa rito na nagdala sa akin sa Silliman at nailathala rin noon—gawa ng wala naman akong pirma o byline noon tsk tsk) o para sa mga patimpalak (na dahil madalas ay isinulat lamang para sa okasyong iyon at madalas ay naka-typewriter lamang din ay wala nang kopya dahil sobrang mahal na ang pagpapa-xerox at hindi ko na kinukuha ang ipinasa na hindi naman madalas pinapalad magwagi at ngangayon ko lamang napagtatanto na dapat pala ay may kopya akong itinatabi para sa pagrerebisa at paghanap ng tamang pagkakataon).

May mga balakin na naglalaro sa isip—hindi maiiwasan—pero paano ko masasabi ang wala pang patunay o pisikal na batayan para sabihing nakalinya na sa listahan ng mga gagawin.

Ito pa lamang panayam na ito ay isa nang proyektong dapat kong upuan, pag-isipan, at paggugulan ng panahon at resources.

Mayroon malamang, maraming gustong gawin at naiisip gawin. Pero kung kailan ay walang makapagsasabi.

Ni hindi pa nga ulit ako nakapagpapablis sa mga journal o magasin o nananalo sa patimpalak—puwede na ba akong maglathala? Bakit hindi? Sinong magsasabi? Pabliser lamang ang makapagsasabi….

Tesis ko siguro muna—yun nga pala ang mas dapat maging malinaw at unahin kong tapusin. Hindi naman tula, pero dapat maging malikhain.